BAKIT NGA BA HINAHABOL NG PUSA ANG DAGA?

Baka dahil sa taglay nitong kulit kagaya ng batang di matigil-tigil sa pagtakbo?

Baka dahil sa meron itong halimuyak na parang isang mahikang nakapagpupumiglas sa tibok ng puso ng pusa?

Baka dahil hindi naman nito alam na hinahabol ito ng pusa kaya patuloy ito sa pagtakbo.

Yung pagtakbong walang hinto, walang pahinga.

Yung uri ng pagtakbong walang nililingon kasi alam nyang wala naman syang lilingunin at walang lilingon para sa kanya.

Di bale nang pawisan, di bale nang unti-unting maglaho ang paghinga hanggang sa wala nang matira kahit latak man lang ng hanging nagmumula sa daga.

Sa habulan-seryeng ito’y hindi titigil ang pusa sa paghabol sa daga at hindi rin naman hihinto ang daga sa kanyang pagtakbo, sa paglayo sa mundo, sa paglayo sa oras na gawa ng enerhiya ng mundong humihigit sa daga para mapalapit sa kung ano mang tinatakbuhan nito.

Pero ano nga ba ang totoong kwento, ano ang totoong eksena sa paghabol ng pusa sa daga?

Sino ba ang lamang at sino ang lugi.

Sino ang talo at kawawa sa habulang hindi naman alam kung ano ang pinagmulan?

Sino ang magtatagumpay sa huli?

Bakit ang pusa ang patuloy na humahabol sa daga?

Pwede bang minsan ang daga naman ang humabol sa pusa?

Baliktarin natin ang nakakagulong eksenang ito sa pagitan ng pusa at daga na hanggang ngayon hindi naman natin alam kung anong silbi nito sa buhay nating umiikot lang naman sa mga mundo ng tao at hindi ng mga hayop.

Bakit hindi na lang tayo mag-isip ng tungkol sa’tin?

Yung kung anong meron tayo at anong nasa kanya-kanyang mga utak natin.

Yung bungkos ng tanong na kapalaran na lang ang magdedesisyon kung mapapakawalan pa ba sa mundong punung-puno na mga katanungang hindi na nabigyang sagot pa.

Sige pagbibigyan kita.

Bumalik tayo sa kwento ng pusa na naghahabol sa daga na binaliktad natin ang takbo kung saan ang daga na ang humahabol sa pusa.

Wala ka bang napansin?

Sa konting imahinasyon lang ng pagbabali-baliktad ng mga letra pwedeng maging dugo ang daga at pwedeng maging puso ang pusa.

Sa kaila-ilaliman ng simpleng habulang ito’y dugo ang naghahabol sa puso na kaninang puso ang naghahabol sa dugo.

Kaninang puso ang naghabol sa dugo.

Oo ito ‘yon…

Yung mga panahong napa-shut down ang utak dahil sa lakas ng tibok ng pusong nagpupumiglas para magmahal ng kagaya mo.

Hindi ako nag-isip pero pinusuan ko, pinusuan nang pinusuan hanggang maging pino ang pagmamahal.

Sa sobrang pino nito wala nang ibang inisip kahit makalimutan ko na kung sino ako, basta alam ko mahal kita at nagmamahalan tayo.

Pero nagmamahalan nga ba?

Mahal kita pero ewan ko lang kung mahal mo ‘ko.

Nalunod ako sa mga kilos mo.

Yung kilos mong nakalilito’t nakahihilo na para bang isang lasing na lasing sa pagmamahal mo.

Yun pala nalasing lang ako sa sarili kong ideya na mahal mo nga ako.

‘Yan tuloy, sa sobrang paghabol ng puso ko sa’yo ni hindi ko namalayan na dugo na pala ang hinahabol ko.

Sa bilis ng takbo ko, walang tigil, walang preno naabutan ko rin sa wakas!

Nagtagumpay ako.

Ikaw ‘yon.

Pero teka, nasan ka?

Bakit may damdaming tila hindi maipaliwanag na unti-unting sumisira sa pusong matagal nang tumatakbong walang pagod?

Anong lason ‘tong biglang dumaloy sa bawat ugat ng pusong kanina’y lugod na lugod makapiling ka?

Ito na ba yung sinasabing dugo?

Hindi pala ikaw yung naabutan ng puso ko kundi yung dugo.

Dugong nilikha mo.

Ngayon, sa sobrang haba ng nilakbay ng puso ko papunta sa’yo, nagkamali pala ‘ko.

Hindi pala ‘ko sa’yo patungo kundi sa dugong kagagawan mo.

Pabalik na yung puso sa pinanggalingan nito pero hinahabol ‘to ng dugo.

Ngayon hindi na makatakbo.

Hinang-hina na para bang may mabigat na batong nakalagak sa bawat sulok ng ugat nito.

Ang kaninang dugo na hindi maabutan, habol naman ng habol ngayon at hindi na pinakakawalan ang pusong napagod, nasaktan, nagmahal, at natanga.

Bakit nga ba kasi hinahabol ng pusa ang daga.

Ngayon alam mo na.

Kaya sa susunod na makakita ka ng pusang humahabol sa daga, pigilan mo.

Oo pigilan mo.

Parang nakakabobo’t nakakagago pero kailangan mong pigilan.

Pero wag yung pusang humahabol sa daga kundi yung puso mong humahabol sa dugo.

Sa tuwing makakakita ka ng pusang humahabol sa daga, baka isang tapik sa likod ‘yon.

Baka isang simbolismong dulot ng pagkakataon na itinadhana ng oras at minuto.

Baka sinasabi nitong wag mong patakbuhin ang puso mo papunta sa dugo.

Hindi dahil delikado o nakakatakot kundi masakit kapag naabutan mo yung dugo.

Mas nakamamatay kung yung dugo ang humabol sa puso mong naglalabas rin ng dugo mismo.

Tigil na.

Pahinga ka muna.

Chill ka lang.

Sa habulan-seryeng ito’y maaari rin namang manalo ka pero mas masakit na para bang tinamaan ka ng kidlat nang isandaang beses sa kirot sa dibdib.

Wag ka nang maghabol.

Kung talagang mahal ng daga ang pusa, magkikita sila sa gitna ng mahabang kalsada ng pagmamahalan.

Hindi ka nya hahayaang tumakbo nang napakalayong parang gago’t nagpapagod na para bang tuod.

where-it-all-started

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s